Thursday, October 12, 2006

Welcome Remarks to the Freshmen 2006, Philam Life Auditorium

Pinakamataas at pinakamaalab na pagpupugay sa mga bagong Iskolar ng Bayan!

Dalawang mahahalagang bagay ang dahilan kung bakit ako naririto sa harapan ninyo ngayon. Ang una ay ang pagbati sa inyo sa pagpasok sa pinakamahusay na Pamantasan sa buong Pilipinas at ang ikalawa ay ang pagpapakilala sa ating panauhing pandangal – si Student Regent Raffy Sanchez.

Iskolar ng Bayan – hanep. Siguradong isa kayo sa pinakamahusay sa inyong paaralan dahil sa prestihiyo ng pagpasok sa UP. Kung galing naman kayo sa malayong mga pook, malamang kayo rin ang pinakasikat sa inyong bayan, baryo o purok. Aba dapat lang! UP yata ito – hanep.

Alam ninyo, ang paulit-ulit na tema ng University Student Council sa mga freshman orientation ay tungkol sa kahulugan ng Iskolar ng Bayan. At sinasabi ko na sa inyo ngayon – daigdig ang pagkakaiba ng UP student sa Iskolar ng Bayan. Sapagkat ang Iskolar ng Bayan ay hindi lamang matalino at mahusay, o kaya uno sa Math 17 at Chem 14, o summa cum laude sa UP Medicine. Sapagkat kabahagi ng pagiging Iskolar ng Bayan ang pagiging mulat sa mga isyu ng pamantasan, lipunan at mamamayan. Hindi sapat na kabisado natin ang mga teorya at formula para lamang isulat sa mga pagsusulit o ibida sa mga propesor nating makukulit. Mahalagang gagap din natin ang mga isyung pinaglalaban ng ating kapwa Iskolar ng Bayan at ng mismong mamamayang patuloy na inaapi at pinagsasamantalahan sa lipunan. Nariyan ang nagaganap nang College of Medicine tuition increase mula P11, 529.50 tungong P20, 045.50. Isama na rin natin ang nakaambang System-Wide Tuition Increase sa lahat ng degree programs ng Pamantasan mula UP Baguio hanggang UP Mindanao. Tiyak tatamaan tayong lahat sa panukalang iyan. Huwag din nating kalimutan sa pambansang saklaw, ang pinagdedebatihang Charter Change na tinututulan ng mga Iskolar ng Bayan dahil magbibigyang laya sa patuloy na komersalisasyon ng edukasyon sa Pamantasan ng Pilipinas.

At bakit naman kasi natin kailangang malaman ito, o maging mulat sa mga isyung katulad nito? Naku, pang-aktibista lang iyan, hindi naman ako pumasok sa UP para sabihing, “Let’s make baka, Don’t be takot!” Mga kaibigan, simple lamang ang sagot. Sa kaduluduluhan ng lahat, ang Iskolar ng Bayan ay may pananagutan sa sambayanan. Nasa ating mga balikat bilang mga Iskolar ng Bayan ang mga pangarap at pag-asa ng sambayanan. Ang bawat buwis na binabayad para sa ating edukasyon ng abang magsasaka sa kanayunan, manggagawa sa mga pabrika, propesyunal sa mga ospital at paaralan ay nakasandig sa pag-asa – na sa dulo ng lahat, ang sambayanan ang buong-buong paglilingkuran ng Iskolar ng Bayan sa anumang paraan.

Sa inyong pagpasok sa pinakamahusay na pamantasan ng bayan, tanganan sana natin ang pagiging tunay na Iskolar ng Bayan – mahusay, mulat at naglilingkod sa sambayanan. Muli, pinakamataas na pagbati sa inyong lahat!


Comments: Post a Comment

Free Web Counter

This page is powered by Blogger. Isn't yours?

<< Home