Thursday, October 12, 2006

Tagumpay ng College of Nursing sa Leakage Issue, Tagumpay ng Iskolar ng Bayan

Ang nurses ng bayan, ngayon ay lumalaban!

Ngayon ay lumalaban, ang nurses ng bayan!

Ito ang pangkalahatang sigaw ng mga estudyante ng UP College of Nursing kasama ng iba’t iba pang mga nursing students mula sa iba’t ibang mga paaralan nang dumagsa sila sa harapan ng Professional Regulatory Commission (PRC) upang panagutin ang lahat ng kasabwat sa leakage controversy sa nakaraang Nursing Licensure Examinations (NLE), pagbitiwin ang lahat ng Board of Examiners ng NLE, patalsikin sa puwesto si Dr. George Cordero, ang pangulo ng Philippine Nurses Association (PNA) at makapag-retake ang mga estudyante ng nursing upang mapangalagaan ang dignidad ng kanilang propesyon.

Matagumpay na nakamit ng mga nursing students ang lahat ng kanilang ipinaglaban at may konretong ibinunga ang kanilang sama-samang pagkilos at pagdagsa sa lansangan. Nagbitiw na ang mga Board of Examiners ng NLE at si Dr. Cordero, ng PNA, at pinayagan nang mag-retake ang sinuman nais kumuhang muli ng NLE. Kahit nagbitiw man sila, patuloy din ang paggiit ng mga nursing students na masampahan ng administrative o criminal cases ang mga sangkot sa leakage controversy na ito. Nasa Senado na rin ang kasong ito upang higit pang siyasatin.

Subalit ang pinakamalaking tagumpay ng labang ito ay ang paglalantad sa komersalisasyon ng edukasyon at ang pagkakaisa at pagkilos ng mga Iskolar ng Bayan laban dito. Ang isyu ng leakage sa NLE at ang patuloy na pagsulpot ng mga sub-standard nursing schools ay kongkreto at maliwanag na pagpapakita kung gaano pinabayaan ng pamahalaan ang sistema ng edukasyon sa pangkalahatan, kung saan hindi na mahalaga ang de-kalidad na edukasyon, kundi ang mabilis na paglikha ng mga propesyunal para sa pandaigdigang pamilihan. Ito mismo ang dahilan kung bakit nagbitiw ang mga miyembro ng Technical Committee on Nursing Education ng Commission on Higher Eduction, sapagkat pinupuwersa sila ng CHEd na magkibit-balikat ukol sa pagbulusok ng kalidad ng nursing education sa bansa.

Sa kabilang banda, hindi na bago ang komersalisasyon ng edukasyon sa mga Iskolar ng Bayan. Bago pa ang leakage controversy, bumulaga na sa atin noong Hunyo ang pagtaas ng tuition

sa College of Medicine mula P11, 529.50 tungong P20, 045.50. Nariyan na rin ang napipintong pagtaas ng tuition sa UP Manila at buong UP System mula 250/unit tungong 1000/unit. Sa harap ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis at basic commodities, hindi makatarungan ang anumang pagtaas sa matrikula dahil ang pamahalaan naman ang dapat tumutustos ng edukasyon ng Iskolar ng Bayan.

Ngunit sa halip na libro at maayos na pasilidad para sa UP at iba pang pamantasan, bala at dahas ang sagot ng pamahalaan sa lahat ng tumututol sa kanyang mga patakaran, kabilang ang mga Iskolar ng Bayan. Hanggang ngayon, hindi pa rin mahanap ang dalawang nagre-research na UP students na dinukot umano ng militar sa Hagonoy, Bulacan. Ang mga estudyanteng nagpiket naman kay GMA sa PGH para sa dagdag na subsidyo sa edukasyon at kalusugan ay nakahabla pa rin para sa gawa-gawang kasong inciting to sedition.

Sa gitna ng lahat ng ito, mapagpasyang napatunayan ng mga estudyante ng UP College of Nursing na sa sama-samang pagkilos ng Iskolar ng Bayan, napagtatagumpayan ang anumang laban para sa ating mga karapatan. Sa pagtagumpay ng laban ng nursing students, nagpapatuloy ang panibagong laban ng mga Iskolar ng Bayan upang tutulan ang napipintong pagtaas ng matrikula sa buong UP System. Binuo na ang Ugnayan ng Mag-aaral Laban sa Komersalisasyon (UMAKSYON) upang maging sentro ng kampanyang ito na bubuuin ng samu’t saring student councils, student organizations, student publications, at lahat ng Iskolar ng Bayan na titindig at kikilos laban sa pagtaas ng tuition – mga pagkilos mula sa mga maliliit na talakayan sa mga silid-aralan hanggang sa pagbuhos sa lansangan ng Iskolar ng Bayan.

Bilang mga Iskolar ng Bayan, marapat na tumugon tayong muli sa hamon ng panahon. Nasa pagkakaisa ang lakas ng Iskolar ng Bayan, at sa sama-samang pagkilos natin makakamit ang tagumpay ng ating mga laban, nursing leakage man sa kasalukuyan o tuition increase sa hinaharap.

Iskolar ng Bayan, ngayon ay lumalaban!

No to the commercialization of education!

No to the proposed system-wide tuition increase!

Fight for greater state subsidy to education!

Makialam. Mamulat. Makibaka.


Comments: Post a Comment

Free Web Counter

This page is powered by Blogger. Isn't yours?

<< Home