Monday, February 06, 2006

May Liwanag sa Dulo ng Tarangkahan ng Kamatayan

Nalulungkot ako talaga sa wowowee.

Dahil tumambad sa bayan ang kahirapan ng sambayanan.

Hubad na katotohanang hindi nila na matatakasan. Hindi na nila kayang ipinid ang kanilang mga mata. O takpang pilit ang kanilang pandinig sa pagsasamantala at pang-aapi sa maralitang katulad nila. Sapagkat sa harapan nila isa-isang nadurog ang mga pangarap ng masang sila rin ang lumikha.

O sila nga bang talaga?

"Hindi sasagutin ng gobyerno ang nangyari, ang papel lang namin ay sa imbestigasyon. Abs-cbn ang sasagot doon."

Sa dulo ng lahat sila ang tunay na mananagot.

Silang lumilikha ng sistemang bumubuhay sa kahirapan at pagsasamantala. Silang nagpapanatili ng hindi pagkakapantay ng natatamasa ng bawat isa.

Subalit hindi na kayang bulagin ng masa ang kanyang sarili. Kahirapan ang nagtutulak sa kanyang itulak ang tarangkahan, hindi ang pagkaganid sa salapi at yaman tulad ng sinasabi ng iilan.

Hindi rin dahil idol niya si Willie o type niyang makita si Echo. Hindi dahil sa artistang sikat. Extra na lang iyon. Higit na mahalaga sa kanyang mapanalunan ang taxing may prangkisa o traysikel o dyip. Para hindi na niya kailangang mamalimos mamaya sa ilalim ng tulay ng C5 patungong Pasig Palengke. Puwede rin namang yung bahay at lupa sana. Napapagod na rin kasi siyang palipat-lipat nang bahay sa bawat panahong dinidemolish ang bahay nila sa Tramo at Leveriza.

Tinulak niya ang kapwa niya masa sa tarangkahan ng Ultra at pareho nilang tinulak palayo ang pangarap at sa huli, nadurog pa, katulad nila. Subalit nakita rin ng masa sa araw na iyon ang kahungkagan ng kanilang ginagawa, ang kanilang araw-araw na pagtakas sa tunggalian ng lipunan na siyang nagpapahirap sa kanila, ang bawat araw na pagtakas sa katotohanan ng kanilang kahirapan.

Subalit kilala na rin nila kung sino ang tunay na may sala. Hindi sila.

Kundi and estado. Ang estadong dapat na tumutugon sa kanilang batayang pangangailangan, pangangailangang isang kakatwang palabas na lamang ang kayang makapagbigay at kayang makapagpadama ng kahulugang mabuhay. Ang estadong dapat nagpapaaral sa kanyang mga anak. Ang estadong lumilikha sana ng trabaho at kabuhayan para sa mamamayan.

Kung natutugunan sana ng estado ang batayang pangangailangan ng sambayanan, hindi na kailangan ni Nanay Fe, Ofelia, Esperanza at iba pang mga nanay, bata at matandang pumila pa sa tarangkahan, makipagsiksikan, makipagtulakan at mangamatay kasama ng iba pang kinitlan ng buhay at pangarap.

Sa ganitong kalakaran ng mga bagay, tiyak na mayroong mamatay pa. Hindi man sa tulakan at takbuhan, kundi sa mabagal na kamatayang bunsod ng gutom at pagod at hirap.

Comments:
kaya hindi sinasagot ng estado ang mga batayang pangangailangan ng mamamayan ay dahil sa pinagkakakitaan nila at ng media ang kahirapang dinadanas ng mamamayan. hindi naman namimigay ng premyo ang wowowee at iba pang variety shows para makatulong o makapaglingkod ngunit upang manalo sa ratings war at kumita mula sa mga endorsements. at dahil sa andiyan naman ang media, hindi na naiisip ng estado ang kanilang responsibilidad sa sagutin ang pangangailan ng mamamayan.

anong klaseng pagpapahalaga ang ipinapamalas at ipapamana nila (o kahit natin) sa mga susunod pang henerasyon?

madaling sabihin na kasakiman at kagustuhang yumaman agad ang dahilan kung bakit may mga namatay sa stampede, pero yun ay dahil lang sa hindi naman natin naranasan ang magutom, hindi makapag-aral, at halos hindi mabuhay. iba ang mundong kinagagalawan natin, ngunit hindi dapat iyon maging dahilan upang hindi sila paglingkuran at iwasto ang isang bulok na sistema.

kung sila naman ay nabigyan man lang ng trabaho na may maayos na compensation, o di kaya nakakapagaral ang kanilang mga anak, nakakakain ng sapat bawat araw, at nabubuhay ng may dangal at hindi naitatangi ng iilang nasa kapangyarihan, PIPILIIN PA KAYA NILANG MAKISIKSIK SA SANDAMUKAL NA TAO SA ULTRA? PIPILIIN PA KAYA NILANG MAGHINTAY NG ILANG ARAW?

nakakalungkot lang isipin na pagpunta nila doon ay punong puno sila ng pag-asa na kanilang maiaangat ang kanilang mga sarili pag-uwi nila, at ang ilan ay hindi na nakauwi ng tuluyan. pinapakita lamang kung gaano na kalala ang pamumuhay ng karamihan sa ating mga kababayan. pinili nilang isugal ang kanilang mga buhay sa pagasang manalo at magkaroong ng oportunidad na mabuhay ng disente pagbalik nila mula sa wowowee.

:(
 
Post a Comment

Free Web Counter

This page is powered by Blogger. Isn't yours?

<< Home