Thursday, June 02, 2005

Usura – Katambal na Pasakit ng Renta sa Lupa

Sa baba ng presyo ng palay, napipilitan ang mga katulad ni Tatay Baste na magtanim ng mga cash crops katulad ng melon, ampalaya, sitaw atbp habang iniisahan sila ng mga komersyante-usurero na nagpapanggap na tagapagbigay puhunan o pinanser nila. Ang usura ang ginagamit ng mga PML upang palakihin ang kanilang hati sa yaman ng lupa at makalikom ng salapi upang makakuha ng higit na malaking lupa. Sa karanasan ng magsasaka sa San Benito, nagpapahiram ng 20,000 piso ang namumuhunan sa honey dew melon ng isang magsasasaka. Sa panahon ng anihan, kailangang ibalik sa kanya ng magsasaka ang puhunang 20,000 piso at maghahati pa sila sa kabuuang inaning melon. Masahol ang kalakarang ito sapagkat nagpapanggap ang usurero na tumutulong sa pag-unlad ng magsasaka, pailalim na pinagsasamantalahan pa rin ang abang magsasaka. Kahit gaano pa man kalaki ang puhunan na ilagak ng usurero sa lupa ng magsasaka, hindi pa rin ito sapat upang mabayaran ang aktwal na pagtatrabaho ng magsasaka mula pagtatanim hanggang pag-aani, lalo’t higit kailangan pa ng magsasakang ibalik ang puhunan at hatian ang usurero ng kanyang inaning melon. Sagad-sagarang pambubusabos ito ng magsasaka sapagkat alam ng usurero na kapit sa patalim ang mga magsasaka. Wala naman kasing maibibigay na kolateral, salapi o pag-aari ang magsasaka kundi ang kanyang mga inani, na hindi pa nga sapat upang maitawid ang pangaraw-araw ng kanilang pamilya.

Isa ring porma ng usura ang ginagawa ng mga nagpapatakbo ng tanyag kunong kooperatiba ng San Benito. Katulad din ng bangko, hindi maaaring humiram ang mahirap na magsasaka kung wala siyang kolateral na maibibigay at madalas ang kanyang inani ang kanyang ginagamit. Sa aktwal, hindi rin naman talaga makakuha ng makataong kasunduan ang mahirap na magsasaka sa kooperatiba kung hindi sila malapit na kaibigan o kamag-anak ng pamunuan ng kooperatiba. Mula nang magsimula ito ilang taon nang nakalipas, hindi pa rin nakakautang si Ka Baste sa kooperatibang ito bagamat nag-aabot siya at mga katulad niyang mahihirap na magsasaka ng kakarampot niyang kinikita mula sa palay. Sa kooperatiba rin magbabayad kung nais ng magsasakang makagamit ng irigasyon ng donasyon kuno ng gobyernong Hapones para sa mga magsasaka ng San Benito sa pamamagitan ng DAR, subalit kailangang magbayad ng magsasaka ng 1,700 kada ektaryang lupa kada anihan upang magamit ang irigasyon sa San Benito. Kung 5 ektarya ang lupa, saan naman kukuha ng 8500 piso ang mahirap na magsasaka? Makahihiram naman daw sa kooperatiba basta hatian ito ng aanihing palay ng magsasaka at babayaran nang buo ang hihiramin pera. Kaya maraming mahihirap na magsasaka ang hindi na nagbabayad para sa irigasyon at tumatangkilik sa kooperatiba sapagkat malinaw sa kanila na ibabaon lamang sila sa utang ng mga ito. Sa kabilang banda naman, pabagsak din ang produktibidad ng mga mahihirap na magsasaka dahil umaasa lamang sila sa pag-ulan. Sa madaling sabi, ang usura at kooperatiba ay mga sandatang pyudal at mala-pyudal upang patuloy na itali ang magsasaka sa lupa at manataling nagdarahop ang kabuhayan.

Comments: Post a Comment

Free Web Counter

This page is powered by Blogger. Isn't yours?

<< Home