Thursday, June 02, 2005

Summer Travels: Pakikibakang Masa ang Kailangan

Ang kalagayan ng mga magsasaka, manggagawang bukid at mamamayan ng bayan ng Victoria, Laguna ay kalagayan ng malawak na hanay ng sambayanan sa kanayunan ng bansa. Talamak ang kawalan ng lupa ng magsasaka at nakakonsentra lamang ang pag-aari nito sa iilang mga panginoong maylupang taga-bayan o mga dayo na siyang nagtatakda ng lokal na ekonomiya, pulitika at kultura ng bayan. Katulad sa ibang pook ng kapuluan, litaw na litaw ang mala-pyudal at mala-kolonyal na moda ng produksiyon ng lipunang Pilipino na pinaiigting ng iba’tibang anyo at antas ng pinagsanib na puwersa ng imperyalismo, pyudalismo at burukrata-kapitalismo. Patuloy na sinasagkaan nito ang pambansa at demokratikong interes ng mamamayan lalo na sa partikular na karanasan ng Victoria, Laguna.

Ganunpaman, hindi dapat maging hadlang ito upang igiit ng mga magsasaka sa Victoria ang kanilang batayang mga karapatan. Ang unang hakbang tungo rito ay ang pagbubuo ng mga organisasyong masa ng mga magsasaka sa bawat lokalidad na dulo ay ang pagkakaroon ng pambayang organisasyon ng magsasakang nakakawing sa simulain at layunin ng pambansa-demokratikong kilusan. Sa minimum, mahalagang magkaisa ang mga magsasaka, sa pamamagitan ng pag-aaral at propaganda, na igiit ang mga batayang tindig ng militanteng kilusang magbubukid katulad ng: pagbasura sa CARP, pagtatakda ng 15piso kada kilo ng palay, pagbaba ng renta sa lupa at usura atbp. Sa maximum, igiit ang kawastuhan ng pagkakaroon ng tunay na repormang agraryo at pambansang industriyalisasyon. Subalit hindi ito maisasakatuparan sa isang malapyudal at malakolonyal na lipunan sa pag-asa lamang sa estado ng maliliit na reporma.

Kailangang pang paigtingin at itaas ng mga magsasaka ang antas ng kanilang kamulatan at pakikibaka mula sa simpleng kampanya at pakikibakang masa upang mapagpasiyang durugin ang tanikalang nang-aapi at nagsasamantala sa kanilang uri sa loob ng ilang daan taon at salinlahi.


Comments:
grabe na talaga ang estado ng kanayunan...ipagpatuloy ang paglilingkod sa sambayanan, brod.
 
mabuhay ka brod!
 
Post a Comment

Free Web Counter

This page is powered by Blogger. Isn't yours?

<< Home