Thursday, June 02, 2005
Summer Travels: Pagpapalit-Gamit ng Lupa
Ganoon na lamang ang pait na nararamdaman sa puso ni Aling Conchita nang puwersahan siyang palagdain ng kasunduang sasamsamin na ng panginoong maylupa ang isang eryang pamilya niya ang siyang nagpayaman mula sa isang gubatang lugar tungo sa isang lupang sakahan. Sa tapat naman ng kanilang munting dampa, sa kabila ng highway patungo sa bayan ng Victoria, itinatayo ang isang subdivision na pag-aari ng isang makapangyarihang pamilya ng mga PML at burukrata kapitalista. Dahil unti-unti nang bumabagsak ang agrikultura ng bansa na siyang mga burgesya komprador at PML din naman ang may sala sa pamamagitan ng estado nitong alipin ng imperyalista at globalisasyon, isinasailalim na ng mga lokal na PML ang kanilang mga ekta-ektaryang lupain sa pagpapalit-gamit ng lupa. Ginagawa na nilang mga subdivision ang mga lupang sakahan upang mabawi ang ”lugi” nila bunsod ng bagsak na presyo ng palay na dikta ng mga imperyalistang may hawak ng patakaran sa pandaigdigang kalakalan. Iba’t ibang paraan ang ginagamit ng PML upang mapalayas ang mga magsasaka mula sa kanilang lupa. Sa karanasan sa itaas, 2 libong piso lamang ang inisyal na kompensasyong alok ng PML para lumayas ang mga magsasaka. Hindi pa ito sapat upang mabawi man lang ang ginamit ng pamilya sa pagpapatayo ng konkretong bahay at dalhin ang mga tira-tirang kagamitan pabalik sa Quezon. Gumagamit din ang PML ng mga huwad na prosesong ligal at lokal na burukrata-kapitalista upang maloko ang mga magsasaka at mapalayas sila. Sa isang halimbawa, sapilitang pinapirma ang isang magsasaka ng isang kasunduang ang mga saksi ay pawang mga kamag-anak ng PML at ang mismong tagapamagitan ng mula sa barangay ay kamag-anak din. Hindi pinaliwanag ng PML na walang katibayan ang kasunduang ito nang walang pagpapatunay ng isang lisensiyadong abogado. Ang pagpapalit-gamit ng lupa at pagpapalayas sa mga magsasaka mula sa kanilang mga lupang sinasaka ang dudurog sa kabuhayan ng daan-daan pamilyang magsasaka sapagkat wala na silang ibang pagkukunan ng pantustos sa pang-araw-araw. Mapipilitan ang mga ito na maghanap ng mga bagong uupahang lupa at titirikan ng bahay na malimit ay doon sa mga gubatang lugar din kung saan delikado at nakakatakot. Ang iba naman ay napupuwersang makipagsapalaran sa mga kalunsuran kung saan magiging mga maralitang tagalungsod din sila sa mga looban at bituka ng kalunsuran. Ginagamit din ng mga PML ang kapulisan at militar upang siguraduhing matatakot ang mga magsasaka na lumaban sa lahat ng prente, ligal, mala-ligal o iligal man upang pigilan ang pagpapalayas sa kanila. Sa pagpapalit-gamit ng mga lupang sakahan, sinisira ng mga plano ng PML ang sustansiya at malaking produktibidad ng mga lupang sakahan na ito na makapagluwal ng kaban-kaban pang pagkain ng sambayanan pagdating ng panahon.