Thursday, June 02, 2005
Summer Travels: Nananatiling Katutubong Pyudalismo
Nang mamatay ang ama ni Ka Fernando, isang magsasakang taga-San Felix, nagulat na lamang ang panginoong may lupa na siya na pala ang humahalili ng ilang ektaryang lupang binungkal ng kanyang tatay at lolo nang mahabang panahon. Sa malawak na kanayunan ng Barangay San Benito, San Felix at San Francisco, nananatiling nakatali ang mga magsasaka sa kanilang lupa. Iba-ibang anyo ng pyudalismo at malapyudalismo ang nagaganap sa mga lugar na ito. Nariyan pa rin ang hindi makataong pagbubuwis at pagpoporsyento ng mga panginoong maylupa tuwing anihan. Sa ibang mga kaso 10-90 ang hatian sa pagitan ng kasama at PML. Pinanganalandakan naman ng ilang PML na sila na ang siyang gumagastos sa preparasyon ng lupa, binhi at pataba kaya tama lamang na sampung kaban sa sandaang kaban ang matanggap ng magsasaka. Ganunpaman ang antas ng pagsasamantala sa mga magsasakang ito ay nananatili at nagpapatuloy. Kahit pa ganito ang kalakaran, hindi makatarungan na hindi bigyang pansin ang aktwal na gawain sa bukid ng magsasaka mula pagtatanim hanggang pag-aani para makakuha lamang ng sampung porsyento ang magsasaka. Sa Barangay Daniw, napipilitan ang mga matatandang kasama na ibalik ang lupang kanilang sinasaka sa PML dahil sa kamahalan ng mga gamit sa produksiyon, bagkus, maglalaho na parang bula ang anumang karapatan ng matandang magsasaka sa reporma sa lupa at mahuhulog sila at ang kanilang pamilya sa pinakamababa at pinakakawawang saray ng uring magsasaka – ang manggagawang bukid. Hindi pa rin nagbabago ang relasyon ng produksiyon kahit sa panahong ito na gumagamit na ang magsasaka ng mga makabagong kagamitan tulad ng hand tractor, thresher at iba pa at sa halip ay nakapaglilinlang pa nga sa mga magsasaka sa antas ng pagsasamantalang nararanasan nila. Antagonistiko pa rin ang relasyon ng PML at magsasaka lalo’t higit nakaamba palagi ang banta ng pagsamsam ng mga lupang sakahan at pagpapalit-gamit ng lupa. Hindi rin pina-uunlad ng PML ang mga kagamitan sa produksiyon sapagkat labis-labis na rin ang nakukuha nito mula sa atrasadong teknolohiyang gamit sa produksiyon mula sa pagsasamantala ng maraming mga magsasaka. Sa kabilang banda, patuloy na bumabagsak ang kabuhayan ng magsasaka dahil atrasado ang teknolohiya at maliit lamang ang sinasaka nitong lupa relatibo sa laki ng kabuuang lupa ng PML.