Thursday, June 02, 2005
Summer Travels: Ilang Salinlahing Pagsasamantala
Sa bayan ng Victoria nakakonsentra ang kalakhan ng mga propesyonal, huwes, abogado, duktor, negosyante, pulitiko at mag-iitikan. Dito rin nagmumula ang kalakhan ng malalaking panginoong maylupa sa palibot ng Victoria, Laguna. Hindi kataka-takang ganito ang kalakaran sa bayan sapagkat kung sinong siyang may kapangyarihan sa lupa at ekonomiya ang siyang nakapagtatakda ng relasyon ng produksiyon at pulitikal na relasyon sa isang lokalidad. Wala na ring ibang mapagkukuhanan ng ganito kalaking surplus para sa puhunan ng malalaking itikan, pagpapaaral ng abogasya, negosyo at medisina kundi mula sa pang-aapi at pagsasamantala ng ilang salinlahi ng maraming mga mahihirap na magsasaka at mangagawang bukid sa loob ng napakahabang panahon sa mga malalawak na lupang sakahan sa palibot ng sentrong ito ng bayan ng Victoria. Habang naipapatapos ng kolehiyo ng mga PML ang kanilang mga anak sa mga eksklusibong paaralan sa kalunsuran, ang mga anak at apo ng mga ninunong magsasaka ay nananatiling nakalugmok sa lupang hindi kanila at nakatali sa isang tunggaliang hindi sila ang nagtatakda ng patakaran ng labanan. Maraming beses nang nagtangka ang mga militanteng organisasyon ng magsasaka na magtayo ng mga baseng masa sa Victoria at nagkaroon ng panahon na inabot nito ang sukdulan ng lakas nito subalit sadyang sutil ang reaksiyonaryo estado at ang mga lokal na PML nito sa pagtugis at pagdurog sa mga progresibong mga organisasyon ng mga magsasaka sa bayan. Pinapatay ng militar at CAFGU ang mga organisador ng mga pambansang at rehiyonal na organisasyon ng magbubukid. Nagpapakawala rin ang mga lokal na pinunong PML ng mga huwad na progresibong organisasyon katulad ng CARET at Akbayan upang lituhin ang masang magsasaka mula sa pagsapi sa mga organisasyong tatalima sa pambansa-demokratikong interes ng kanilang uri. Marami sa mga miyembro nito ay pawang mga PML, petiburges na propesyunal at ilang mga mayayaman at panggitnang mga magsasakang nalinlang ng mga organisasyong ito na sumapi sa kanila. Ang lahat ng ito ay ginagamit ng mga PML at nga estado upang panatilihin ang pyudal na relasyon ng produksiyong nakabatay sa lupa.