Thursday, June 02, 2005
Mangagawang Bukid – Kalunos-lunos na Saray ng Magsasaka
Dahil ekonomiya ang mapagpasiya sa isang lipunan, ganoon na lamang ang pagkaatrasado ng kaisipan, pulitika at paninindigan ng mga manggagawang bukid sa Daniw na mismong ang kauri nilang kasama ang siyang ginagamit ng panginoong maylupa upang pagsamantalahan ang kakarampot nilang arawang sahod tuwing taniman o anihan. Ito ay sa pamamagitan ng sistemang rent-to-own kuno ng lupang kinatitirikan ng mga bahay nila subalit reseta o kaya naman padpaper lamang ang ginagamit para sa mga resibo ng bayarin. Nanatili ring hindi umaabot sa dalawandaang piso kada araw sa tuwing anihan ang sahod ng mga manggagawang bukid. Kadalasang nagmumula ang mga manggagawang bukid sa mga lugar na maliit ang ang mga lupang sakahan, tulad ng Barangay Daniw kung saan halos lahat ay mga manggagawang bukid. Higit na pinagsasamantalahan ang mga ito kaysa sa mga kasamang umuupa ng lupa sa PML sapagkat sa ilang mga sitwasyon, nakakasapat kahit paano ang kinikita ng magsasaka mula sa buwisang lupa. Kadalasan din, mga dayo ang mga manggagwang bukid, mga galing sa higit na mga atrasadong pook katulad ng Bikol at Samar. Silang mga dayo ang laging handa sa pagtatrabaho kahit gaano kasukdulan ang hindi pagkamakatao ng kanilang sahod. Malinaw din kasi sa PML ang desperadong kondisyon ng mga manggagawang bukid kaya ganoon lamang ang antas ng pagsasamantala. Walang trabaho ang mga mangagawang bukid sa Victoria kung hindi panahon ng pagtatanim at pag-ani. Ang mga katiwala naman ng PML na malimit mga kasama ay kumukuha rin ng komisyon mula sa sahod ng kanyang manggagawang bukid. Sa sandaan piso, halimbawa, 80 piso na lang ang natatanggap ng mangagawang bukid, 20 piso ang kinukubra ng magsasaka. Kung maraming mangagawang bukid ang isang kasama, tila magkatuwang na rin ang kasama at PML sa pagsasamantala sa mga mangagawang bukid. Bagamat nakapagsasamantala ang ilang mayayaman o panggitnang magsasaka sa kanyang mga mangagawang bukid, hindi sila dapat ituring na kaaway sa uri at bagkus dapat manyutralisa at makabig na kumilos para sa pagpapalaya ng uring magsasaka.