Thursday, June 02, 2005
Dinudurog ng Globalisasyon ang Kabuhayan sa Kanayunan
Nanatiling naglalaro ang presyo ng palay sa 8-10 piso, minsan pa nga bumabagsak sa 6-7 piso kada kilo ng palay sa panahon ng sabay-sabay na nag-anihan ang mga magsasaka. Ayon sa pagsisiyasat ng FIST, ang karaniwang presyo ng palay na 8-10 piso ay hindi na sapat. 13 piso kada kilo ang kailangan upang mabawi pa lang ng magsasaka ang kanyang puhunan. Wala pa rito ang interes na pinapataw ng mga usurero at PML. Sa ganitong kalakaran, patuloy na dumadausdos ang kabuhayan ng mga magsasaka sa Victoria, Laguna lalo na sa panahong ito na pinababayaan lamang ng estado na maglaro ang presyo ng palay ayon sa market forces na lagi namang iilang mayayamang PML at komersyante din ang nagtatakda upang baratin ang magsasaka sabay pagbebenta ng bigas sa mataas na halaga. Dagdag din ang patuloy na patakarang pangkabuhayan ng estado ukol sa liberalisasyon ng agrikultura kung saan kaban-kabang bigas at iba pang mga gulay ang iniimbak dito nang may napakababang taripa ng dayuhang mga bansa tulad ng Tsina, Thailand, Taiwan, Vietnam upang makipagkompetensiya sa mga lokal na agrikultural na produkto. Nagaganap ito sa gitna ng matinding pagsusubsidiyo at pagpapahalaga ng mga bansang ito sa kanilang sektor ng agrikultura at pagbabalewala ng estado ng Pilipinas sa kanyang magsasaka, kung saan wala pang 20 piso ang subsidyo ng gobyerno para sa bawat magsasaka. Ang kalokohan ay ito – ang mga inaaning palay/bigas sa Pilipinas ay iniluluwas naman patungo sa ibang bansa bilang bahagi ng imperyalistang balangkas na export-oriented, import-dependent na sistema ng ekonomiya ng bansa. Nakikipagsabwatan ang estado at mga malalaking burgesya komprador, PML at komersyante para rito sapagkat alam nilang limpak-limpak na dolyar ang makukuha nila mula sa pagluluwas ng mga produktong ito. Kaalinsabay nito, pinangangalandakan ng DA at NFA na kulang na kulang ang bigas sa bansa kaya’t kailangang kailangan ng bansang mag-angkat ng bigas mula sa mga karatig-bansa. Habang limpak-limpak supertubo ang kinukubra ng imperyalista, estado at kanyang mga komprador mula rito sa kaayusang ganito, nananatiling mahirap ang magsasakang Pilipino.