Monday, April 11, 2005

Awit ng Pag-Asa: Awit ng Masang Nakikibaka


Kahit kay haba ng lalakbayin
Daang tag-araw man ang humagupit
Kahit ilang libong tag-ulan ang sumapit
Hinding-hindi tayo titigil


Ang Awit ng Pag-asa ay simbolo ng pakikibaka ng pambansa-demokratikong kilusan. Walang tigil ang pakikipaglaban para sa sambayanan hanggang sa makamtan ang tagumpay. Hindi mapapagod ang mga kasama sa pag-oorganisa at pagmumulat ng masa sapagkat tunay at totoo ang mga prinsipyo at adhikain ipinaglalaban. Matagal man ang panahon bago mapalaya ang sambayanan api, matagal man ang digmang bayan, hindi dapat napanghihinaan ng loob ang mga kasama sapagkat dalisay ang hangarin at kailanman hindi makasarili kundi para sa mas nakararami.

Malinaw ang mithiin ng pambansa-demokratikong kilusan. Hindi natitinag ang ideyalismo ng mga kasama, lalo na ng hukbo, kahit tuyo at gulay ang lagging pagkain sa mga sonang gerilya; kahit kulang ang pambayad sa mga pambansang opisina; kahit talo man sa eleksiyon sa mga konseho; kahit sa punto man ng kamatayan sa kamay ng mga kaaway. Tuloy lang sa pakikibaka sapagkat hindi langit ang pagitan ng pagtutupad ng mga pangarap ng kalayaan at katarungan. Sa puspusang pakikibaka, darating din ang araw na magtatagpo rin ang pakikibaka at tadhana ng sambayanang pinagsasamantalahan.

Tayong manggagawa at magsasaka
Sambayanan ay muling babangon
Ipagtatagumpay ang bawat labanan
Sa buong daigdig


Ang kantang ito ay hindi lamang tungkol sa simpleng pagmamahal sa kapwa, o sa sambayanan man, kundi ang higit na mahirap na tungkuling mulatin ang masa at ikawing ang kanilang pakikibaka sa pambansa-demokratikong linya upang sila ay ganap na lumaya mula sa tanikala ng mga saligang problema ng bansa. Subalit ang mga kantang itong tigib ng ahitasyon ay hindi bahagi ng kulturang masang tinatangkilik ng mamamayan sa ngayon. Mga kasama lang sa kilusan ang nakaaalam ng kantang ito pati ang masang naiimpluwensiyahan lamang nito. Ang malawak na hanay ng di-organisadong masa hanggang ngayon ay nababaliw pa rin sa mga hungkag na kanta ni Bayani Agbayani at Sex Bomb Dancers. Ang paborito kong kantang Kanlungan ng Buklod nga ay hindi nakilala sa loob ng mahabang panahon subalit naisambulat sa kamalayan ng masa dahil naging kanta ito ng isang komersyal ng McDo. Kinilig ang masa sa kanta sapagkat maganda naman talaga ang himig, ngunit pupusta akong hindi nila naunawaan ang malalim na teoretikal na basehan ng buong kanta. Imbes na magamit bilang kantang nakapagpapalaya, naging daan pa ito upang pagsamantalahan ng mga taong siyang nanlilinlang sa damdamin ng masa. Ang nais ko lang naman sabihin ay ang mga kantang ito ay hindi dapat para lang sa atin, kundi, higit pa, bilang instrumentong nakapagpapabago ng pag-iisip at nakapaggaganyak sa masa upang magsimulang makibaka para sa kanyang karapatan. Alam ko namang tulad ng pag-oorganisa hindi rin ganoon kadali ang sinasabi ko, sapagkat sa pakikibaka at kontradiksyon naman unang napapanday ang pagkakaisa ng mga tao.

Subalit nakita ko noon sa Hacienda Luisita ang kapangyarihan ng mga kantang rebolusyunaryo tulad ng Awit ng Pag-asa. Ang mga kantang ito ay may kakayahang makapagkonsolida ng hanay ng masa, lalo ng kabataan upang pukawin ang ideyalismo nila, sapagkat ang mga kanta, ay bahagi rin naman ng kolektibong karanasan ng mamamayan Saan ka nakakita ng batang kinakanta na ng buo ang Sayaw sa Bubog! Hindi man nila gaano maunawaan pa ang kanta sa musmos nilang edad, siguradong nakatatak na sa likuran ng kanilang mga utak ang mensahe ng pakikibaka nakapaloob sa talinghaga ng mga kanta, at kung dumating man ang panahon na sa kanila na nakaatang ang responsibilidad na magpatuloy ng laban, wala akong dudang sila ang mauuna sa pagtugon sa kahilingan. Kultura ang sumusuporta sa pampulitikang konsolidasyon.
Patunay lamang ito na walang nagbabago dahil sa ganda o tindi ng ahitasyon ng isang kanta. Hindi naman napabagsak ng Imagine ni John Lennon ang kapitalismo, o ng Winds of Change ang Berlin Wall; o napatigil ng Blowing in the Wind ang digmaan sa Vietnam, lalong hindi maipagtatagumpay ang pambasa-demokratikong rebolusyon sa pamamagitan ng Awit ng Pag-asa. Huwag na nating pangarapin na sisikat pa ito at mamahalin ng masa tulad ng pagmamahal nila sa Ocho-ocho sa ilalim ng kasalukuyang sistema. Siguro kung gamitin ito sa komersyal o gawing theme song ng World Youth Day, puwede pa siguro. Pero malabong mangyaring patugtugin ito sa radyo upang marinig ng mamamayan. Walang puwang sa ilalim ng ganitong uri ng kalakaran ang mga awit na nakapagpapalaya ng isipan.


Subalit ang mahalaga ay magsilbing inspirasyon ang kanta sa maraming kasama, lalo na ang masang aktibista, upang pag-ibayuhin ang pagpapalawak ng hanay ng masang naoorganisa nang sa ganoon, higit na maraming mamamayan ang mapukaw sa landas ng pagrerebolusyon. Hindi naman kasi tayo ang may hawak ng susi ng tagumpay.

Comments:
mas maganda po sana kung may link o anumang paraan para mapakinggan ang awit na yun.
minsan ko lang yung napkinggan
at nagustuhan ko agad mensahe nya..

gusto ko marinig ng ibang tao yun!
 
hello powh...
sana po may kanta kaung tungkol powh sa buhay ng isang estudyante, at pag-asa...
salamat powhhh...
godbless!!!
 
Post a Comment

Free Web Counter

This page is powered by Blogger. Isn't yours?

<< Home