Monday, April 11, 2005

Ang Pelikulang Dekada ’70: Malabnaw na Melodrama ng Henerasyong Nakikibaka

Two birds with one stone ito. Collectivist supposedly na nahulog sa bitag ng indibidwalistikong kadramahan.

Una kong nabasa yung nobela ni Lualhati Bautista noong 2nd year high school, taong 1999 sa Filipino class ko sa Mataas na Paaralan ng Ateneo at naantig na ako noon pa lamang sa buhay na tinahak ng mga aktibistang kabataan sa pakikibaka laban sa rehimen. Hindi ko nalimutan ang pangako ng payapang pampang para sa mga sumuong sa mga alon sa panahon ng unos.

Ganunpaman, napanood kong muli ang Dekada habang walang magawa noong Holy Week. Ang pagsusuri ko noong lumabas ito para sa filmfest at ang pagsusuri ko noong Mahal na Araw ay hindi nagbago. Totoo, ito ay kuwento ng panahong pambihira. Ang mga tauhan mismo ng Dekada ay sumasalim sa mga klase ng tao, kabataan na umiiral noon sa panahon ng diktadura, kasama ang iba-ibang personal tunggaliang kaakibat nito. Subalit hindi nasinsin ng pelikula ang esensiya ng nobela ni Lualhati Bautista. Totoo na bahagi ng mga tunggalian ang it’s a man’s world na tema at ang pakikibaka para sa emsipasyon ng kababaihan mula sa isang patriarkal na lipunan. Kaya lang sinobrahan naman nila. Naging simpleng usapin na lamang tuloy ito ng pagmamahal ni Vilma sa kanyang mga anak na tumahak ng iba-ibang landas na may asawang chauvinist pig. Hindi ko naman minamaliit ang temang ito na sinubok nilang ipalabas, subalit nagmukha kasi siyang pilit habang pinipilit ni Vilma na umiyak sa pamumundok ni Piolo Pascual. Haluan ba naman ng melodramang may masang panlasa ang isang adapatasyon ng isang dakilang nobela! Dahil dito naging hungkag ang buong pelikula sa pagpapakita ng kadalisayan ng pakikipaglaban at pakikipagdigma laban sa pasismo ng bansa, para sa pagpapalaya ng sambayanang api! Naging simpleng pelikulang pampamilya na lamang siya, ala Tanging Yaman na may pintig sa puso sa sukdulan. Hindi rin naman kasi ito dapat simpleng usapin ng pagninilay ng isang nanay ukol sa kanyang sarili at kanyang pamilya kaya lang ito mismo ang siyang temang tanging matatandaan ng masa manonood kung hindi nila palalalimin ang kanilang pagsusuri. Tipong kahit nasa gitna ang lipunang Pilipino ng isang matinding krisis, basta’t tayo’y sama-sama, ok lang iyon. Magkakasama naman tayo bilang pamilya. Pinilit na nga rin yung pagiging repormistang pamilya nila sa dulo ng pelikula. Sa esensiya kasi, si Vilma lang naman talaga ang nabigyan ng masusing pagpapalalim sa istorya na bagamat ang kuwento niya ay marahil kuwento ng napakaraming maybahay ng bansa, hindi naman naging malinaw ang mga dahilan kung bakit sila nalugmok sa ganoong pagkakapahiya sa simula’t simula.

Dahil ang kuwento naman talaga ng Dekada 70 ay kuwento ng isang henerasyon; silang kabataan noong dakilang dekadang iyong nangahas na lansagin ang lumang konserbatismo ng bansa at manindigan para sa pagbabago ng lipunan sa pamamagitan ng iba’t ibang porma ng pakikibaka habang bitbit lamang ang ideyalismo at pangarap para sa isang lipunang makatarungan. Sinubukan ng dekada 70 na magpalalim sa mga klase ng kabataang humubog ng mga makasaysayang taong iyon at bahagyang nagtagumpay sa pagpapakita nito. Maganda rin naman ang mga eksenang inilahad ang buhay ni Jules bilang masang aktibista, konde, kadre at hukbo ng rebolusyunaryong kilusan sapagkat hindi nagkimi ang pelikula sa pagsabing kinailangang gawin ito ng libo-libong kabataan tulad nina Eman Lacaba at Edgar Jopson para tiyaking may kinabukasan pang dadatnan ang susunod na mga henerasyon ng kabataang Pilipino. Naging magulang sana natin sina Jules, Eman, Edjop at Lorena ngayon kung hindi sila nagsakripisyo ng buhay para sa sambayanan. Mabuti at binigyang puwang ang katotohanang ito ng pelikula.

Kaya lang sa kadulu-duluhan, ang problema naman lagi ay hindi ang pagka-unawa ko ng katotohanang ito, kundi ang pagkatanto ng masa rito, higit sa iyak at tangis ni Vilma. Tataya akong hindi, sapagkat hindi naman ito talagang ibinandera ng pelikula sapagkat malamang, hindi rin naiintindihan ng mga prodyuser ng pelikula ang simulain at adhikain ng kilusang pinagbuwisan ng buhay ng finest sons and daughters ng bayan, kundi ang simpleng pag-iisip siguro na sign of the times lang iyon, at hindi pangmatagalan, kaya nga ginawa na lang silang Cory reformers sa katapusan. Ang hindi nila alam, pinanindigan noon ng kabataan ng Dekada 70 ay pareho pa rin ang pinaglalaban ng kabataan ngayong bagong milenyo, sapagkat wala naman talagang nagbago, may Marcos man o wala, globa man ngayon o hindi. State apparatuses nga naman talaga.

Comments:
hi.. nkita ko ang site mo sa pagsesearch.. pwede b mkhingi ng favor? kelangan kc ng kapatid ko ang buod ng nobelang dekada 70? wala kc me mbilhang libro nito.. may mga tanong rin ng nangangailangan ng mga sagot.. pwede bang ibigay mo sakin ang mga detalye sa mga katanungan na ito:
1. Pagpapakilala sa tauhan.
2. Pagpapakilala sa pangunahing tauhan.
3. Sino ang nakatulad ng pangunahing tauhan?
4. Sino ang kabaliktaran ng pangunahing tauhan?
5. Pagbabagong naganap sa pangunahing tauhan.
6. Ang pananaw ng may akda ukol sa buhay
7. Mensahe ng may akda.
8. Paglalarawan ng tagpuan. Kailan?
salamat.. sana ay matulungan mo ako.. email mo nalng sa mystique_chiq@yahoo.com.. looking forward!! godbless
 
una, hindi ako research site.

pangalawa, hindi totoong walang libro nito. magpunta ka lang sa national bookstore, matatagpuan mo ito.

gustuhin ko mang sagutin ang mga tanong mo rito, hindi rin ako papayag dahil kung pagtitiyagaan mo lang basahin ang libro, makukuha mo yung mga sagot sa mga tanong mo.

kung mababasa mo siguro ang libro, at gusto mong magkaroon ng malalim na talakayan tungkol dito, mas yun pa siguro ang kakagatin ko.
 
Post a Comment

Free Web Counter

This page is powered by Blogger. Isn't yours?

<< Home