Tuesday, March 22, 2005

Paginilay sa Artikulo ni Prof. Simbulan sa Practicum

Sana tama siya. Sana hindi siya nagkakamali sa pag-asang nakikita niya sa mga mag-aaral ng DevStud na siyang magtataguyod ng pakikibaka ng mamamayan, partikular ng magsasaka sa kanayunan. Sana rin na-inspire ang mga kaklase ko pagbasa ng artikulong ito, sapagkat natukoy nito ang dapat sanang ginagawa ng DevStud sa kanyang integrasyon sa kanayunan. Hindi lang ito simpleng bakasyon o excursion, kundi pakikipamuhay sa batayang masang pinagsasamantalahan at inaapi. Napakalaki ng kinaiba nito sa unang dalawang nabanggit. Hindi lang ito simpleng pag-ikot sa mga baryo at pagtatanong ng kanilang, edad, dami ng anak, hirap ng buhay, ni hindi nga simpleng pagkamusta lang. Hindi naman tayo NSO, kaya tayo ipinadadala sa kanayunan. Hindi rin ito para ipaalam sa masa ang kahirapan nila. Alam na nila iyon, hindi na natin kailangan dagdagan pa. Pero ang hindi nila alam ay ang ugat ng kanilang kahirapan, na hindi lang sila and siyang nahihirapan kundi napakalawak na hanay ng anakpawis na naghihintay at nakikibaka para sa paglaya ng lupa at ng kanilang mga sarili. Hindi nila alam na ang pang-aagaw ng lupa sa Nueva Ecija ay hindi kaiba sa karanasan ng mga kasamang magsasaka sa Compostela Valley at Eastern Samar, o dili kaya ang matinding militarisasyon sa kanayunan. Ang malamang malalaman lang nila ay walang ginagawa ang pamahalaan para sa kanila, pero alam natin na higit pa rito ang ugat ng kahirapan nila. At mahalagang makapanday ang Devstud ng mga mahuhusay na organisador na siyang makapagpapaliwanag nang buong-buo sa antas ng batayang masa ang ugat ng kahirapan nila. Kailangang madulas na maipaliwanag ang salot na pinagsamang impe, burukrata-kapitalismo at pyudalismo na siyang nagpapatuloy ng ganitong relasyon ng produksiyon sa pagitan nilang mahihirap na magsasaka at panginoong maylupa at burgesy komprador. Para saan pang nagpracticum kung hindi rin naman natin maipaliliwanag sa kanila ang mga ito? At hindi dapat nagtatapos dito ang layunin sa practicum kundi buksan ang mga mata ng masa sa isang lumalawak na kilusang nagtataguyod ng pambansa-demokratikong linya kung saan sila ang pangunahing pwersa ng pambansa-demokratikong rebolusyon! Sapagkat hungkag ang anumang pag-oorganisa kung magtatapos lamang ito sa simpleng pakikipag-usap lamang at hindi nahihimok ang masang kumilos. Hindi sapat ang magalit sila, sapagkat lumilipas ang galit, pero ang relasyon ng produksiyon ay nananatili. Kaya naman walang sawa ang pagrepaso ni Doc Ed sa isipan ng mga mag-aaral ang alternatibong solusyon ng atrasadong lipunang Pilipino, upang sa pambansa-demokratikong balangkas ikawing ang pakikibaka at hindi sa repormismo ng burgesya at makabagong rebisyonismo ng kontra-rebong grupo. Pero siyempre, ikaw lang ang makakaintindi sa sinasabi ko ngayon. At malabong hingiin natin ang ganitong marubdob na pagtataya sa simpleng practicum lamang. Pero nakalatag na kasi ang pagkakataong matuklasan nila na may mga bagay na higit pa kaysa sa simpleng mga pangarap at may malawak na hanay ng masang naghihintay sa kanila bilang kasama sa pagpapalaya ng lipunan at pagtatatag ng pambansang demokrasyong may sosyalistang perspektiba. Natuwa akong tinula ni Ser Roland yung Paaralan ng Bayan dahil tama naman, para ano pang naging intelektwal tayo kung hindi rin tayo matuto sa masang may tangan ng armas ng paglaya.

Mula sa masa, tungo sa masa, kasama!

Comments:
kontra rebolusyunaryo?? sino?
 
ay kasama, alam mo dapat kung sino ang tinutukoy ko.

hindi kayo yun.
 
Post a Comment

Free Web Counter

This page is powered by Blogger. Isn't yours?

<< Home