Wednesday, December 15, 2004
Pagtampisaw sa Banahaw
Hindi ko nais pumunta sa Banahaw noong Linggong iyon, sapagkat noong Biyernes hanggang Sabado ng gabi ay nasa isang bahay ako sa Subic at dumalo sa isang pulong ng mga lider-estudyante mula sa iba’t ibang pamantasan. Dakong ika-11 na ng gabi ako nakarating sa bahay namin sa Manila at kinailangan ko pang maghanda para sa susunod na namang lakad kinabukasan – Banahaw.
Matagal nang malaking palaisipan sa akin ang lugar na ito sapagkat madalas na naibabanggit sa akin ito ng kaibigan kong guro sa Ateneo kung saan malimit niyang dalhin ang kanyang mga klase roon para magmasid at magsuri ng paligid, tao, kaugalian at kakaibang kultura buong lugar. Madalas ay yinayaya akong sumama ngunit laging walang panahon at may takot mandin sa mga kuwento ng katarikan ng mga bangin at ang walang sawang pagbanggit ng hiwagang tangan ng Banahaw.
Pagbaba sa sasakyan pagkatapos ng pagdaan sa alikabok at walang tigil na daang malubak, hindi ko maiwasang hindi pansinin ang kapaligiran. Nawala na ang malubak at mabatong daan at nakahambalang sa aking harapan ang ilang mga kubong tindahan ng pasalubong o kuwintas at mga tabi-tabing bahay sa gitna ng bahagyang malawak na niyugan – tunay ngang nasa Quezon na ako ; at sa dakong gilid ay mga nagtitinda ng mga krus at mga kuwintas na tila pang-albularyo habang natatanaw ang batis sa paanan ng bangin – baka tunay ngang nasa Banahaw na ako.
Magiging hilaw ang pagsusuri ko ng karanasan sa Banahaw kung hindi babanggitin ang pagmamasid sa mga taong nakita roon sa dakong batis at sa pagakyat sa mataas na daanan paakyat. Tunay nga yatang ang obhektibong kondisyon ang nagtatakda ng kultura at pamamaraan ng mga tao. Kapansin-pansin ang likas na kapayakan ng mga tao roon, katulad ng lahat ng mga taong nakabatay ang kabuhayan sa kanayunan. Wala silang pagpapanggap kahit sa harapan ng mga bisita mula sa Maynila.
Doon lang ako nakakita ng pamayanang napakalaki ang pagpapahalagang ibinibigay sa batis kung saan malaking bahagi ng kanilang mga araw ay nakasalalay roon – paglalaba, pagligo, pagsalok ng malinis na tubig, paglangoy at pagsamba. Nakagugulat kung paanong napagtitiyagaan ng mga tagaritong umakyat-panaog bawat araw sa batis na ito para lamang kumuha ng malinis na tubig para sa araw-araw na gawain, sa loob ng napakahabang panahon. Bilib din ako kung paanong napananatili ang kalinisan ng batis sapagkat malamig at malinaw ang tubig at minsanan lamang makakikita ng basura. Kaya siguro mariin din ang ibayong pag-iingat na ginagawa ng mga tao rito upang hindi masira ang likas-yamang biyaya sa kanila ng kung sinumang Diyos nila.
Nang matapos ang tanghalian, tumungo ako sa Ciudad Mystica. Gusto ko na sanang maniwala sa sinasabi ng Suprema. Marami na rin kasing kontradiksiyon ang Simbahan ukol sa tunay na mga aral ni Kristo. Tumapak ang pagbasa niya ukol sa paghingi ng bayad ng Simbahan sa mga sakramento nito sapagkat hindi dapat nagmumula rito ang pera ng Simbahan – parang binebenta ang kaligtasan. Minsan tuloy wala pa ring masasabing pagkakaiba ang kasalukuyang Simbahan kahit pagkatapos ng Vatican II mula sa panahong tinutulugsa ni Calvin at Luther ang indulhensiya ng Simbahan. Tama rin siya na sabihing mali ang pagsamba sa mga istatwa katulad ng walang humpay na pagdagsa ng tao sa Baclaran para masdan at dasalan ang Our Lady of Perpetual Help. Naisip ko tuloy ang mga Simbahan sa lumang Byzantine Empire ng Greek Orthodox Church kung saan winasak ang mga istatwa at naiwan na lamang ang krus na walang Kristong nakabayubay – krus na kahoy, krus na nagsisilbing pagpapaalala lamang, sapagkat diretso naman talaga dapat sa Diyos ang pagdarasal, ang paghingi ng pasasalamat, ang paghingi ng kapatawaran at hindi sa paraan ng pagninilay sa harapan ng mga marmol na obrang sumisimbolo sa mga santo o kahit si Kristong nakabayubay. Hindi kasi kailanman maaarok ang lawak at lalim ng pag-iral ng Diyos kaya hindi dapat kinakahon sa konseptong likha ng mga obra at istatwa. Nagulantang naman ako noong bigla na siyang nagsimulang magdiskurso ukol sa sitwasyong pampulitika ng bansa sapagkat hindi ko inasahang may konsepto pala siya ng neokolonyalismo. Hindi na talaga ako interesado noon mga sandaling iyon nang may nagtanong sa usapin pampulitika at kahit hindi malinaw ang balangkas ng pagpapaliwanag nagawa niyang ipakita na kahit umalis na ang Kastila, Kano at Hapones, nananatili pa rin ang dayuhan sa pamamagitan ng mga patakaran na sumisira sa kabuhayan ng bayan. Nakagugulat ito sapagkat napupuna rin pala ng masa sa Banahaw ang umiiral na sistema sa bansa kahit gaano pa ito kalayo sa kalunsuran at gaano kasarado ang mundong ginagalawan nila mula sa buhay-pambansa. Ganunpaman, hindi ko magawang yakapin ang lahat ng kaisipang tangan niya habang nananatili sa akin ang duda ng kahuwadan ng kanyang samahan at ang ilang mga kaugaliang hindi masasabing nakaangkla sa lohikal na pagdaloy ng kaisipan at hindi rin masasabing bunga ng pananampalataya kundi ng atrasadong tradisyong pinalala ng pagkubli sa bundok sa loob ng mahabang panahon. Para saan ang bakal na gate na puro bandila ng mga bansa? Naniniwala nang kaunti akong hindi kumukupit ang liderato ng ciudad mystica mula sa koleksiyon sapagkat napakapayak naman ng hitsura ng Suprema at hindi rin magarbo ang kanyang kasuotan subalit sana linaan na lamang ang pera para sa kabuhayan ng mga miyembro kaysa sa pagpapatayo ng napalataas na gate sa harapan. Nakalulungkot isipin na kabilang sa mga dahilan ng pagtatayo ng ciudad mystica at ilan pang mga kilusan sa Banahaw ay ang kawalan ng pagpapahalaga ng Simbahan, at ng lipunan na rin, sa interes at kapakanan ng kanyang miyembro o mamamayan. Nabuo ang mga ito bilang reaksiyon sa mga kontradiksiyon sa lipunan at kulturang kinikulusan katulad na rin ng bumaklas na mga paring Aglipayano noong panahon ng Himagsikan at malamang ay hindi naman talaga dahil sa aparisiyon o kahit anumang bagay na mahiwaga. Sumusulpot ang mga grupong ganito sa panahon ng krisis, kung saan wala nang ibang babalingan ang masa kundi ang kanyang sarili sapagkat kahit ang Simbahang dapat sanang huling sandigan at kalasag ng masa mula sa pang-aalipusta at kahirapan ay matutuklasan ng masang kabilang sa mga kasangkapan ng pang-aapi at pambubusabos sa karapatan at kabuhayan nila. Nakakahabag isipin na kailangan nilang sa Bundok Banahaw magtago at magpatuloy ng kanilang pag-iral sapagkat alam nilang madudurog ang kanilang puwersa kung isasalang ang kanilang mga sarili sa malalimang pagsusuri ng mga pantas at dalubhasa sa relihiyon at lipunan. Ang ganitong deviance din ang patuloy nagluluwal ng mga walang katapusang mito at kuwento ng hiwagang dulot ng Banahaw. Lalong nakalulungkot isipin na kung wala mang batayan talaga ang pag-iral ng mga grupong ito kundi bilang reaksiyon lamang sa umiiral na sistema, ang mga mito at baka minsan kasinungalingan pa nga ng mga pundador ng grupo ay mahuhubog bilang mga kuwentong nangyari, tunay at totoo nang hindi kinakailangang gumamit ng siyentipikong paraan ng pagsusuri at sapat na lang ang pagkakaroon ng pananampalataya para ang mga ito ay paniwalaang totoo.
Hindi ako naniniwalang kulto ang mga tao rito o mga hibang pero hindi rin ako naniniwalang may batayang katotohanan ang mga kaisipang dala nila subalit isa ang malinaw sa akin – higit na mabuting ituring ang mga ito bilang biktima ng kasaysayan at biktima ng kultura at biktima ng lipunan sapagkat malamang wala sila roon kung naging higit na maunawain lamang ang lipunan, kung winasto lang sana ang mga kontradiksiyon sa lipunan at binigyan sila ng puwang bilang mga kasangkapan ng pagbabago at pag-unlad at hindi mga simpleng mga taong bahagi lamang ng estadistika ng mga mahihirap na mamamayang nawalan na ng pag-asa sa isang lipunang malupit at sistemang napakaliit ang butas para maka-iral sa paraang mapagpalaya at marangal.
September 24, 2004

Comments:
Agree ako, Kuya Teri. Once na rin kasi akong nakaakyat sa Mount Banahaw, at ganoon nga ang nasaksihan kong mga paniniwala ng mga tao roon. Hindi ko nga lang nakita 'yung mga taong 'yun. Pero hindi naman natin sila masisi, ngunit hindi naman dapat siguro na pabayaan na lang sila roon.
Post a Comment